Buen día también para mis lectores!
Gracias a Google Translate para esta traducción!
Nitong huling Miyerkules ay bumalik ang Unibersidad ng Santo Tomas sa ika-19 na siglo upang ipagdiwang ang katapusan ng 400 na taon ng eskwelahan. Gumanap ang mga estudyante, guro, at iba pang mga trabahador ng unibersidad bilang mga tauhan sa panahon ng Kastila.
Kahit nakababad sa init ng araw, tuloy parin ang pagdiriwang ng mga tao sa kanilang mga kasuotang pang-Espanyol. Sa mga kalalakihan, ang iba'y nag-barong; ang iba nama'y nag-astang ilustrado (ako ang isa mga iyon), at ang iba nama'y ginanap ang pagiging indio nila (mga salot ng lipunan! ajejejeje). Ang mga kababaihan nama'y nagpagandahan sa kanilang mga kasuotan na maraming palamuti. Ang ibang babae naman ay nagsuot ng mga baro't saya at ang iba'y pinili na lamang na magsuot ng simpleng camisa at saya, pero kahit simple, maganda pa rin sa mata. Di katulad ng iba na puro palamuti ang damit pero di naman magandang tignan. May nakita nga akong isang dilag na may suot na baro't saya na gawa sa sequins na pula. Nagmukha tuloy siyang naglalakad na pinata.
Nakakatuwa makita ang mga kapwa mong estudyante na naglalakad sa mga pasilyo at sa iba't ibang lugar ng iyong paaralan sa kanilang mga kasuotan. Yung iba nga sa kanila'y talagang tinotoo ang kanilang pagiging ilustrado at naglalakad sa pali-paligid at pinagtuturo ang mga tao, saba'y sa pagtawag sa kanila na "Haha mga Indio!" Kahit ako ay ginawa yun nung pumunta kami sa Ciudad (Daanan ng mga Nagmamahalan -- Lover's Lane).
Kahit puro kasiyahan ang naramdaman ng bawat isa noong Velada Tomasina, noong umaga nito ay napag-initan kami ng isa sa aming propesor na pangalanan nating "V". Isa siyang matinding kaaway. Masyadong masakit at marahas ang kanyang pananalita na napa-iyak pa niya ang isa sa aking mga kaklase. Lahat kami'y nainis ng todo dahil alam naman namin ang pagkakamali pero mas lalo pa niyang ipinamukha sa amin ang mga ito at sinamahan pa ng insulto. Kaugaliang indio talaga siya! Hijo de puta! Patawad sa aking mga salita pero umusbong talaga yung sama ko ng loob sa aming propesor. Ramdam na ramdam ko na kaming lahat ay nag-astang Placido Penitente at ang guro nami'y si Padre Millon na nang-aalipusta ng kanyang mga estudyante. Ewan ko ba kung bakit ganun yun! Mas tama pa ang pag-iisip ni Sisa sa guro na yun!
Hay naku! Ayoko na siya pag-usapan. Masisira lang ang aking araw! Ikekwento ko na lamang ang ginawa namin noong mga hapon na. Nasabi ko nga kanina na naglakad kami sa "Daanan ng mga Nagmamahalan" (Lover's Lane), kung san natuwa ako kase maraming nagpa-litrato samin. May mga iba pa nga akong nakita na patago pa kaming nililitrato. Ramdam na ramdam ko talaga ang pagiging ilustrado ko kahit ang kulay ko ay pang-indio. Ajejejeje! Nagulat din ako noong bigla akong hinatak ng mga matatandang babae. Wagas sa paghatak ang mga ale. Sabi ko na nga ba'y mas patok ako sa mga Donya Victorina kaysa sa mga Maria Clara. Ajejeje! Nagpahuli rin ako sa mga Guardia Civil na umiikot sa paaralan, pero masyado nilang tinotoo... isinipa nila yung likod ng aking tuhod at pinaluhod ako. Masakit yun ah! Sumisigaw pa ako "WALA AKONG KASALANAN! NILOKO AKO NI PADRE DAMASO!" Ajajaja Kung anu-ano talagang kahihiyan ang ginawa ko nung araw na yun, pero minsan lang naman yun.
Nagagalak ako sa kinalabasan ng Velada Tomasina. Sa lahat ng naisip ng aking paaralan para ipagdiwang ang pagtatapos ng 400 taon nito, ang Velada ang pinaka-nasiyahan ako. Lahat kase masaya. Lahat rin makapal ang mukha. Ajejeje. Sana ulitin ulit ng UST ito, pero wag naman taon-taon. Kailangan espesyal pa rin ito. Oh pano ba yan aking mga amigos, adios y de nuevo buen día!
No comments:
Post a Comment